Nasugatan ang isang babaeng college student nang makipag-agawan siya ng baril sa isa ring babaeng estudyante sa loob ng isang unibersidad sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sa ulat ni Jeric Pasillo sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa rest room ng mga babae noong Lunes ng umaga.
Kaagad namang nakaresponde ang mga security guard ng unibersidad at pulisya sa insidente, at ni-lockdown ang lugar.
Ayon kay Police Captain Carlo Rabago, investigation officer, Laoag City Police Station, magkaibigan ang dalawang babae at nagkaroon ng pagtatalo dahil sa nawalang pera sa ATM ng isa sa mga babae.
Kasunod nito ay naglabas ng baril ang suspek na babae at doon na nagkaroon ng agawan at pumutok ang baril.
Sa kabutihang-palad, walang tinamaan ng bala pero nasugatan ang isang babae dahil sa pakikipag-agawan niya ng baril sa suspek.
Kasamang iimbestigahan ng pulisya ay kung paano naipasok ng suspek ang baril sa unibersidad at kung saan niya ito nakuha.
Nakahanda naman ang pamunuan ng unibersidad sa isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring insidente na tinawag nilang "isolate," na ngayon lang umano nangyari maging sa buong lalawigan.
Posibleng sampahan ng reklamong attempted murder ang suspek na estudyante, at illegal possession of firearms dahil walang dokumento ang baril.--FRJ, GMA Integrated News