Patay ang isang babaeng pasahero matapos mabagsakan ng poste ang sinasakyan niyang tricycle sa Antipolo City. Ang driver, nakatalon ngunit nagtamo ng sugat sa ulo.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente sa Sunflower Street, Barangay Dela Paz, kung saan hindi na nakalabas at naipit sa loob ng tricycle ang babaeng pasahero, na isang street sweeper.
Halos isang oras ang inabot ng Antipolo Rescue Team para makarating sa tricycle dahil may kuryente pa.
“Noong nakalapit po kami, ipit ‘yung pasyente. Sa kaniya po kasi talaga bumagsak ‘yung poste. Negative na po talaga ‘yung pasyente upon arrival namin,” sabi ni Jay Flores, rescuer ng DRCG Fire and Rescue.
Nagtamo ng matinding tama sa ulo ang biktima.
Agad namang naitakbo ng mga residente ang driver sa malapit na ospital.
Ayon sa isang residente, 7 a.m. pa lamang nang mapansin na nilang may bitak ang poste.
Bukod dito, may naririnig pa silang tunog habang dahan-dahang tumatagilid ang poste kaya inilayo na nila ang mga nakaparadang sasakyan sa malapit.
Elevated Metering Center (EMC) ng Meralco ang poste. Nag-iimbestiga na ang kumpanya sa sanhi ng pagbagsak nito.
Ayon kay Jayson Calsas, head ng Rizal Sector ng Meralco, handa silang tumulong sa mga biktima.
Naapektuhan ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Barangay Dela Paz matapos ang insidente.
Nag-isolate na sila ng linya upang mabigyan ng supply ng kuryente ang ibang residente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News