Nasawi ang isang babaeng rider matapos na sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo at masagasaan ng isang truck sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa national highway sa bahagi ng Barangay Pengue Ruyu ang pagsemplang ng motorsiklo sa gitna ng kalsada.
Sa kasamaang-palad, may paparating na truck sa kabilang bahagi ng daan at nagulungan niya ang 31-anyos na babaeng rider na nasawi sa aksidente.
Ipinaliwanag umano sa pulisya ng driver ng truck na hindi niya napansin ang sumempleng na motorsiklo sa bilis ng pangyayari.
Handa naman daw ang driver ng truck na makipag-usap sa pamilya ng nasawing rider.
Samantala, nasawi rin ang isang 18-anyos na rider matapos na makabanggaan ang isa pang motorsiklo sa isang intersection sa nasabi ring barangay.
Sa kuha ng CCTV camera, papaliko sa isang kanto ang biktima nang masalpok siya ng isa pang motorsiklo.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang biktima at ang angkas nito, ganoon din ang rider ng nakabanggaan nilang motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-signal light umano ang biktima sa gagawing pagliko pero sadya umanong mabilis ang takbo ng nakabangaang motorsiklo.
Mga suot na helmet ang mga sangkot sa aksidente pero naging matindi ang pinsalang inabot sa katawan ng nasawing 18-anyos na rider.
Nagkausap na umano ang mga pamilya ng magkabilang panig, ayon sa ulat.
Sa hiwalay na ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV News, isang rider din ang nasawi sa Calasiao, Pangasinan matapos sumalpok sa isa ring motosiklo, at mahagip pa ng tatlong sasakyan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na tinangka ng 28-anyos na biktima na unahan ang isang tricycle sa Barangay Bued, nang makabanggaan niya ang nakasalubong na motorsiklo.
Sunod nito ay nahagip naman ang biktima ng dalawang pang tricycle at isang multipurpose vehicle.
Ayon sa pulisya, nakainom ang biktima at walang suot na helmet nang mangyari ang insidente.
Malubha ring nasugatan ang rider na kaniyang nakabanggaan.-- FRJ, GMA Integrated News