Nauwi sa disgrasya ang ginawang pagkuha ng isang 11-anyos na lalaki sa saranggola na sumabit sa kawad ng koryente sa Lapu-lapu City, Cebu. Ang biktima na humandusay sa bubungan, masuwerteng nakaligtas.
Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, makikita ang biktima na nakahandusay sa bubungan ng isang daycare center sa Sitio Matumbo, Barangay Pusok.
Ayon sa ina ng kalaro ng biktima, ilang ulit niyang pinagbawalan ang dalawa na huwag magpalipad ng saranggola dahil sa mga kawad ng kuryente.
May isang residente rin umano ang nagbabala sa biktima nang hindi pa ito umaakyat sa bubungan.
Dahil sa insidente, sandaling nawalan ng kuryente sa karatig na barangay ng Matumbo.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office upang makuha ang biktima mula sa bubungan at isinugod nila sa Lapu-Lapu City Hospital.
Ayon kay Dr. Debrah Custodio, nagtamo ng second-degree burns ang bata at mayroon itong malay nang dumating sa kanila pero iritable.
Matapos mabigyan ng paunang lunas, ipinalipat ng mga magulang ang bata sa pribadong pagamutan upang doon na ipagpatuloy ang pagpapagaling.
Napag-alaman na mayroong City Ordinance No.16-033-A-2022, na bawal ang magpalipad ng saranggola sa Lapu-Lapu City dahil na rin sa operasyon ng Mactan Cebu International Airport.
Nakasaad sa ordinansa ang responsibilidad ng mga magulang para gabayan ang kanilang mga anak laban sa pagpapalipad ng saranggola.—FRJ, GMA Integrated News