Nasawi ang isang 43-anyos na lalaki matapos na mag-dive mula sa isang talon sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Kagutungan falls kung saan naligo ang biktima at mga kaibigan nito.
Ayon sa pulisya, tumalon ang biktima na isang construction workers mula sa falls sa taas na 25 talampakan.
Umakyat umano sa puno ng balete at nag-dive ang lalaki.
Sandali umanong lumitaw ang biktima pero muling lumubog. At nang maihon mula sa tubig, dumudugo umano ang ilong nito.
Posible umanong tumama ang ulo ng biktima sa isang matigas na bagay sa ilalim ng tubig, ayon kay Police Colonel Darnell Dulnuan, acting provincial director, Ilocos Sur PPO.
Naiuwi na sa kaniyang pamilya ang labi ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News