Isang bagong airline na nakabase sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang magsisimula nang bumiyahe sa rehiyon simula sa Miyerkoles, April 24.
Layunin ng Bangsamoro Airways na mapabilis ang biyahe sa mainland island provinces ng BARMM “to make the provision of significant services accessible, strengthen bureaucracy and logistics, and bolster the region’s economy, tourism, and employment, among others,” ayon sa Bangsamoro Information Office.
Ayon kay Mohammad Pasigan, chairperson ng Bangsamoro Board of Investments, magiging paunang bibiyahe ng Bangsamoro Airways—sa ilalim ng Federal Airways Incorporated—-ang ruta ng Zamboanga City at Sulu.
Sa ngayon, mayroon lamang seating capacity ang eroplano ng anim hanggang 10 pasahero, kasama na ang mga piloto.
Inaasahan na palalawigin ang serbisyo ng airline sa dalawang munisipalidad ng Tawi-Tawi-- Sibutu at Mapun-- pagkaraan ng tatlong buwan; at pagkaraan ng isang taon ay aabot na sa Kota Kinabalu, Malaysia.
Inaasahan ni Pasigan na makatutulong ang pagbubukas ng Bangsamoro Airways para makapagpasok ng mga negosyante sa BARMM, upang mamuhunan sa rehiyon.
Kasabay nito, binigyan-diin niya ang kahalagahan ng kaayusan at katahimikan sa BARMM upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.
“Our greatest help as Bangsamoro citizens is to make our region peaceful and safe for our investors,” pahayag niya. — FRJ, GMA Integrated News