Nasawi ang isang 17-anyos na binatilyong rider matapos siyang sumalpok sa isang SUV sa General Santos City. Ang biktima, inaalam kung kasali sa inireklamong drag race sa lugar.
Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa isang video na normal pa ang daloy ng trapiko sa Fil-Am Road, Barangay Fatima madaling araw ng Biyernes.
Ngunit ilang saglit lang, isang motorsiklo mula sa kabilang lane ang bumangga sa harapan ng SUV, at tumilapon ang rider.
Tinangka ng bystanders na i-revive ang motor rider, na dead on the spot, ayon sa Traffic Enforcement Unit.
Wasak naman ang harapan ng SUV sa lakas ng impact.
Sinugod at sinuntok ng ama ng nasawing binatilyo ang driver ng SUV, habang agad namang isinara ng driver ng SUV ang pinto ng sasakyan.
Lumabas sa imbestigasyon ng TEU ng lungsod na may nagtimbre sa kanila na may nagsasagawa ng drag race umano roon.
Nagsagawa sila ng operasyon sa lugar ngunit wala silang naabutan.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung kasama ang binatilyo sa pagda-drag race.
Sinabi ng TEU na nagkasundo ang driver ng SUV at kaanak ng binatilyo na magbibigay ang driver ng pinansiyal na tulong sa pamilya ng nasawi.
Agad inilibing ang binatilyo alinsunod sa tradisyon ng Islam. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News