Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang motorsiklo sa lumilikong tricycle sa Lipa, Batangas. Ang driver ng tricycle, nalaglag at nabangga pa muli ng kaniya mismong sasakyan.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa JP Laurel Highway sa bahagi ng Barangay Sabang kaninang hatinggabi.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na tumigil sa gilid ng highway ang tricycle para magsakay ng pasahero. Maya-maya pa, dahan-dahan na itong umusad at lumiko upang tumawid sa kabilang linya ng kalsada, nang bigla na lang sumalpok sa kaniya ang motorsiklo na mabilis ang takbo.
Nalaglag mula sa tricycle ang driver nito at nabangga pa muli ng sarili niyang tricycle na patuloy na umandar at umikot papunta sa kaniya.
Ang nakabangga namang rider, humandusay din sa kalsada at hindi gumagalaw.
Nakababa naman ang pasahero ng tricycle at humingi ng tulong.
Parehong isinugod sa ospital ang driver at rider na kapuwa nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan at patuloy pang nagpapagaling.
Ayon kay Police Major El Cid Villanueva, Deputy Chief ng Lipa City Police, nakainom ang rider na bumangga at wala ring suot na helmet
"Based sa aming investigation parehas silang may pagkukulang. Yung tricycle nag-execute ng turn na hindi clear yung kalsada, at yung driver naman ng motorcycle, bukod sa under the influence of liquor ay wala rin siyang kaukulang dokumento at wala rin siyang suot na helmet," sabi ni Villanueva.
Ang asawa ng driver ng tricycle na si Melody Fabella, umaasa na parehong makaliligtas ang kaniyang mister at ang rider dahil pareho umanong naging kritikal ang lagay ng mga ito.
Hindi pa umano sila nakapag-uusap ng kabilang pamilya kaugnay sa posibleng kasunduan sa nangyari.
Samantala, sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng rider, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News