Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos niyang hingan umano ng pera at ayain na makipagtalik ang isang 13-anyos na babae kapalit nang hindi pagpapakalat ng maselang larawan at video ng dalagita sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing humingi ng tulong ang biktima sa Regional Anti-Cybercrime Unit-Northern Mindanao (RACU-10), kaya isinagawa ang operasyon laban sa suspek.

Bukod sa pakikipagtalik, humihingi pa umano ang suspek ng P1,000 sa biktima.

Inaalam ng mga awtoridad kung saan nakuha ng suspek ang pribadong larawan at video ng biktima dahil hindi umano magkakilala ang dalawa.

Ayon kay Lt. Col. Lemuel Gonda, hepe ng RACU-10, kasama ngayon sa iniimbestigahan nila ang pinagmulan ng pribadong larawan at video ng dalagita.

Nakuha sa suspek ang cellphone na naglalaman ng mga pribadong larawan at video ng biktima, pati na ang palitan nila ng mensahe sa ginawang pananakot sa biktima.

Sinampahan ng patong-patong na reklamo ang suspek, habang isasailalim sa counselling ang biktima.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News