Kumaripas ng takbo ang dalawang lalaking nanloob ng isang bahay, matapos silang mabulaga nang magsalita mula sa CCTV ang may-ari na live pala silang pinapanood sa Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing namataan ang dalawang lalaki sa labas ng isang bahay pasado alas-kuwatro ng madaling araw.
Makalipas ang ilang saglit, nakapasok na sila sa target nilang bahay.
Tila napansin agad nila ang CCTV ng bahay kaya naghubad ng damit ang isa sa mga lalaki at ginamit niya itong pantakip ng mukha.
Nag-hoodie naman ang kasamahan nitong lalaki, na nagtungo noon sa ikalawang palapag ng bahay.
Pinatay pa ng mga nanloob ang ilaw, habang isa sa kanila ang gumamit ng flashlight upang tingnan ang mga gamit sa sala.
Ilang saglit pa, nagsalita sa CCTV ang may-ari ng bahay, na live palang pinanonood ang mga lalaki.
Nang mapagtanto ng isa sa kanila na boses ng may-ari ang kaniyang narinig, tinawag niya ang kasamahan at doon na sila kumaripas ng takbo.
Isang combat engineer ng militar sa Amerika ang lalaking nagsalita sa CCTV, at naa-access ito sa tulong ng internet.
Base sa post ng isa sa mga nakatira sa bahay, sinira ng mga lalaki ang lock kaya sila nakapasok.
Wala namang natangay na gamit ang mga lalaki.
Naiulat na sa pulisya at barangay ang naturang insidente.
Tingin ng barangay, dayo roon ang mga salarin. Pinaigting na nila ang seguridad sa kanilang lugar.
Nagpayo rin ang pulisya na iulat agad sa mga awtoridad kung may makikitang kahina-hinalang indibiduwal sa lugar. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News