Patay ang isang babaeng estudyante sa isang kolehiyo sa Guimaras matapos umano'y mabaril ng kanyang ex-boyfriend na estudyante rin, ayon sa ulat sa 24 Oars Weekend.

Base sa imbestigasyon, gustong makipagbalikan ng suspek sa babae pero umayaw ito.

Armado noon ang suspek at sinubukan ng biktima na pigilan siyang barilin ang kanyang kaibigang lalaki na kasama noon. Pero nabaril sa ulo ang babae. 

Nadaplisan naman ang lalaking kaibigan nito at nagpapagaling na sa ospital.

Nakikipagtulungan na ang mga awtoridad sa eskwelahan.

Selos umano ang nagtulak sa suspek kaya nagawa ang krimen. Nahaharap sa reklamong murder at frustrated murder ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag. — BM, GMA Integrated News