Nakatanggap ng tulong ang isang lalaki na walang pamasahe at tatlong araw nang naglalakad mula Lucena City, Quezon papunta ng Goa, Camarines Sur para hanapin ang kaniyang pamilya.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, kinilala ang lalaki na si Rudy Abad, 49-anyos na tubong Goa.
Nakita na si Abad sa Tagkawayan, Quezon.
"Noong ilang oras na po ang nakalipas, pabalik na kami nakamotor, nakita ulit namin siya sa gilid ng kalsada naglalakad din po. Ang dami pong nagsi-sink in sa akin," kuwento ng uploader na si Zein Corporal Espiritu.
Natulungan si Abad dahil sa kumalat na social media post, at nakarating sa Goa local government unit na agarang umaksyon para mapauwi siya.
Ayon kay Glenn Remedio, head ng MDRRMO Goa, nakikipag-ugnayan pa ang Goa LGU sa Highway Patrol Group ng Del Gallego.
Nagkaroon din ng initiative ang HPG ng Del Gallego na pasakayin si Abad sa isang bus company.
Pagdating niya sa Goa, pinakain si Abad at pinagupitan ng buhok.
Base sa impormasyon ng MDRRMO Goa, construction worker si Abad sa Lucena City. Nawalan siya ng trabaho kaya nagdesisyon itong mangalakal.
Nitong Enero 13, 2024 niya naisipang umuwi.
Dahil walang mapasahe, matiyagang naglakad si Abad para mahanap ang pamilya.
Wala siyang sariling pamilya at wala na rin siyang mga magulang.
Uuwian sana ni Abad ang apat niyang kapatid sa Barangay Payatan.
Ngunit pagdating sa lugar, wala na roon ang kaniyang mga kapatid.
Kasalukuyang nakikitira si Abad sa kaniyang pinsan na nasa kapareho pang barangay. —VBL, GMA Integrated News
Lalaking tatlong araw na naglakad mula Quezon papuntang Bicol para hanapin ang pamilya, natulungan
Enero 20, 2024 7:36pm GMT+08:00