Nauwi sa suntukan at pisikalan ang masaya sanang musical showdown sa Ati-atihan sa Kalibo, Aklan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa Saksi, sinabing sumadsad at naglabo-labo ang tugtugan sa Sadsad o merry-making sa Kalibo noong Huwebes ng gabi.
Mapapanood sa isang video ang liparan ng mga tambol at mga instrumento sa insidente.
Sa kabila ng pag-awat ng pulisya, tumagal pa ang riot ng dalawang nagsabong na drum and lyre group.
May mga nasugatan na hindi pa sigurado kung ilan ngunit maayos na ang kondisyon, ayon sa pulisya.
Lumabas sa imbestigasyon na habang tumutugtog ang grupong naka-peach na t-shirt, dumating ang grupo ng mga nakaputing t-shirt.
"Nagpalakasan sila ng drums. Na-overcome ang isang grupo kaya 'yon," sabi ni Lieutenant Colonel Ricky Bontogon, OIC ng Kalibo MPS.
Hinuli ang dalawang binatilyong suspek sa gulo at inihabla na ng Kalibo Police ng alarm and scandal.
Ngunit ayon sa isa sa mga suspek, lasing umano siya at biglang nasuntok ang kaniyang kaibigan na dahilan ng umpisa ng riot.
Banned na ang dalawang grupo sa Ati-atihan, base na rin sa utos ng Mayor ng Kalibo.
Hihigpitan din ang seguridad sa pista ngayong weekend. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
2 drum and lyre band, nagkapisikalan sa pagsalubong ng Ati-atihan sa Aklan
Enero 20, 2024 4:20pm GMT+08:00