Timba-timbang alamang na napadpad sa dalampasigan ang nahakot ng mga residente sa isang barangay sa San Isidro, Leyte. Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Central Visayas, inihayag kung ano ang ibig sabihin ng pangyayari.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita na abala ang mga tao sa paghakot ng mga alamang, o maliliit na hipon na napadpad sa dalampasigan.
Nitong Miyerkules ng umaga umano nang mapansin ng mga taong dumadaan malapit sa seawall ang pagkukumpulan ng mga alamang sa dalampasigan.
Kaagad na pinuntahan ng mga residente ang lugar at kaniya-kaniya silang hakot sa biyaya ng karagatan.
Pangalawang pagkakataon na raw nangyari ang pagdagsa ng ganoong karaming alamang sa naturang dalampasigan sa Leyte.
Sinabi naman ng BFAR-Central Visayas, na ang naturang pangyayari ay pagpapakita na malinis ang tubig sa dalampasigan. -- FRJ, GMA Integrated News