Isang pulis na baon umano sa utang sa online sabong ang nahuli-cam na nangholdap ng tanggapan ng isang kooperatiba sa Toledo, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang panghoholdap sa Lamac Multipurpose Cooperative noong nakaraang Biyernes.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang suspek na pumasok sa kooperatiba at tinutukan ng baril ang guwardiya. Lumapit siya sa kahera at nagdeklara ng holdap.

Ayon sa pulisya, P200,000 ang perang natangay ng suspek na tumakas sakay ng motorsiklo.

Dahil nakuhanan din ng CCTV camera ang motorsiklo ng suspek, na kinalaunan ay natunton ng mga awtoridad. Dito makita ang ilang gamit na nagturo sa suspek na nakilalang si Patrolman Jaymar Exequiel, na nakatalaga sa Toledo Police station.

"Nakakuha tayo ng mga dokumento roon [sa motorsiklo]na nag-identify sa kaniya, kasama na 'yon part of his issued firearm," ayon kay Police Lieutenant Colonel Manolo Salvatierra, hepe ng Toledo Police station.

Nang maaresto, nakuha kay Exequiel ang halagang P35,000.

Sinabi ni Salvatierra, na inamin umano ng suspek ang krimen at nagawa raw niyang mangholdap dahil sa pagkakabaon sa utang sa online sabong na aabot sa P1 milyon.

Bukod sa kasong kriminal, mahaharap din sa kasong administratibo si Exequiel. -- FRJ, GMA Integrated News