Patay ang isang rider habang sugatan ang kaniyang angkas matapos silang bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang bus sa Malvar, Batangas. Ayon sa pulisya, nasa right of way ang mga biktima.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente kaninang 2:00 am sa Barangay Santiago sa bayan ng Malvar.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na patungo ang motorsiklo sa Tanauan nang biglang kumaliwa ang bus na patungo sa isang compound.
Isinugod sa ospital ang rider pero binawian rin ng buhay habang sugatan ang kaniyang angkas.
Paliwanag umano ng driver ng bus, hindi niya napansin ang paparating na motorsiklo na nasa kabilang bahagi ng kalsada.
"Pagkaliwa niya doon, nagkaroon ng collision. Kasi hindi niya inanticipate na may parating na motor. Right of way ng motor 'yon so ang hindi talaga nagbigay doon. Ang nakikita ko, yung suspek natin, yung bus. Kasi bago tayo lumiko, dapat clear ang kaliwa't kanan," paliwanag ni Police Staff Sergeant Ariel Hidalgo, Investigator, Malvar Police Station.
Kasalukuyang nakadetine ang driver ng bus, habang sinisikap pang makuhanan siya ng pahayag, pati na ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.
Samantala, sugatan naman ang apat na sakay ng isang jeep, kasama ang driver, nang banggain sila ng isang bus bus sa Brgy. Santiago sa bayan din ng Malvar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binalak umano ng bus na mag-overtake sa jeep pero tinamaan nito ang hulihang bahagi ng sasakyan na dahilan para mawalan ng kontrol ang jeep at bumangga sa pader ng isang subdibisyon. --FRJ, GMA integrated News