Naghain ang Commission on Elections (Comelec) Task Force SAFE nitong Miyerkoles ng petisyon para sa diskwalipikasyon laban kay Atty. Christian "Ian" Sia, na tumatakbo para sa lone district representative ng Pasig sa Eleksyon 2025 dahil sa paglabag umano sa mga patakaran laban sa diskriminasyon.

Naghain ng motu proprio petition ang Task Force SAFE, o Safeguarding Against Fear and Exclusion in Elections, na naglalayong diskwalipikahin si Sia para sa darating na halalan at isuspinde ang kaniyang proklamasyon kung sakali siyang manalo.

"The Task Force SAFE has filed its first petition for disqualification against Christian Sia, who is a candidate for the member of the House of Representatives for the lone legislative district of Pasig City," sabi ni Task Force SAFE head Sonia Bea Wee-Lozada.

"Since it is a petition for disqualification, kasama na ang pag-disqualify kay candidate Sia. And, of course, in case the petition remains undecided or unresolved by the time of the elections because we are less than a month away, we also requested for the suspension of his proclamation if ever he wins," dagdag ni Wee-Lozada.

Napag-alaman ng task force na nilabag ni Sia ang Comelec Resolution 11116 o ang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines. Ito ang unang kasong isinampa ng Comelec laban sa isang kandidato kaugnay ng resolusyon.

Nauna nang inilabas ng Comelec ang kanilang unang show cause order o SCO laban kay Sia matapos niyang sabihin sa isang campaign sortie na maaaring makisiping sa kaniya ang mga single mother na may buwanang regla at nalulungkot isang beses sa isang taon.

Pinatawan siya ng pangalawang SCO dahil sa kaniya umanong misogynistic na mga komento laban sa isa sa kaniyang mga babaeng staff sa isang campaign sortie para sa Eleksyon 2025.

Humingi ng paumanhin si Sia para sa kaniyang pahayag, ngunit sinabi sa kaniyang tugon sa kaniyang unang SCO na hindi lumalabag o nagdidiskrimina laban sa mga kababaihan ang kaniyang mga pahayag tungkol sa mga single mother, at ang kaniyang "speech, in its entirety, falls within my freedom of speech."

Mga paglabag

Sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na si John Rex Laudiangco na naghain ang task force ng disqualification petition laban kay Sia dahil sa paglabag sa Comelec Resolutions 11116 at 11127, at Section 261 (e) ng Omnibus Election Code (OEC), na ipinagbabawal ang mga pagbabanta, pananakot, terorismo, paggamit ng mapanlinlang na kagamitan o iba pang uri ng pamimilit sa panahon ng kampanya.

Sinabi pa ni Laudiangco na kung madiskuwalipika ang kandidato at magdesisyong itaas ang kaniyang kaso sa Korte Suprema, ipatutupad ng poll body ang desisyon nito nang walang temporary restraining order limang araw pagkatapos ng ruling ng Comelec. Ituturing na stray votes ang kanilang mga boto.

"Sumunod sa lahat ng Comelec rules and regulations. Sumunod sa lahat ng election laws…Kung di masasampahan ng disqualification petition. Maaari pa itong manganak ng kasong kriminal, election offense," sabi niya.

Hiningian na ng GMA Integrated News ng pahayag si Sia.

Marami pang mga kaso

Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na posible pang maghain ng disqualification cases ang Comelec laban sa iba pang kandidato.

"Magpa-file ng disqualification at election offense ang Task Force SAFE laban sa kandidato sa Pasig na sa kanilang palagay ay nag-violate ng anti-discrimination policy. Asahan ng sambayanan na sa susunod na araw pagkatapos ng Semana Santa ay magkakaroon pa ng mga kaso na maifa-file laban sa ibang kandidato," sabi ni Garcia sa panayam sa kaniya sa Super Radyo dzBB.

Ipara-raffle ng Comelec ang kaso bago atasan si Sia na opisyal at pormal na sumagot. Kasunod ng kaniyang tugon, isusumite ang kaso para sa desisyon, sabi ni Garcia.

Batay sa Comelec Resolution 11116 o Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines, ang paglalagay ng label sa mga grupo at indibidwal bilang mga terorista, dissenters, at kriminal na walang ebidensya ay itinuturing na election offense sa 2025 midterm na national and local polls.

Saklaw din ng resolution ang bullying at diskriminasyon tungkol sa kasarian, etnisidad, edad, relihiyon, at mga kapansanan, at iba pa.

Nauna rito, inilabas ng poll body ang Comelec Resolution 11127, na inaamyendahan ang Comelec Resolution 11116, na idinedeklara na ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa halalan at online na mga platform na may kaugnayan sa halalan, kabilang ang social media, bilang "safe spaces" para sa 2025 national at local elections.

Isinasali na rin ang pang-aabuso sa mga bata, diskriminasyon, pag-uudyok, imoral na doktrina, malalaswang publikasyon, eksibisyon at malaswang palabas pati na rin ang diskriminasyon laban sa lahi bilang mga election offenses. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News

For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.