Patay ang isang barangay chairwoman sa Ilocos Norte matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem habang nasa biyahe sakay ng elf truck.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Helen Abrigado, 65-anyos, punong barangay ng Ferdinand Marcos, Ilocos Norte.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, galing sa lantern parade at pauwi na ang biktima sakay ng elf truck ng barangay nang sabayan sila sa daan ng mga salarin sa Barangay Tabucbuc.
Tumabi umano ang riding in tandem sa bahagi ng passenger side kung saan nakaupo ang biktima at doon na ilang ulit nagpaputok ng baril at tinamaan ang kapitana.
Tinangka umanong habulin ng kasama ng biktima ang mga salarin pero nakatakas pa rin.
Ayon kay Marcos mayor Antonio Mariano, walang nabanggit sa kaniya ang kapitana tungkol sa banta sa buhay.
Nag-alok ang lokal na pamahalaan ng P300,000 na pabuya para sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News