Makapigil-hininga at makabuluhan ang kasalan ng 21 pares ng mga katutubong Batangan, na ginanap sa hanging bridge sa ibabaw ng rumaragasang ilog sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing magkakasabay na nagpakasal ang mga pares ng mga katutubo sa Sitio Tulaleng.
Ginanap ang ilang bahagi ng kasal sa hanging bridge na gawa sa baging, yantok at uway sa itaas ng rumaragasang Ilog Aglubang.
Kaya naman tinagurian ngayong “Bridge of Love” ang naturang tulay.
Sinabi ng Sablayan LGU na kakaiba ang seremonya dahil naging kombinasyon ito ng isang cultural at civil wedding.
Sa isang bahagi ng kasal, nagsalubong ang bawat pares sa hanging bridge, suot ang kanilang mga tradisyonal na damit.
Sa tulay din isinagawa ng mga pares ang kanilang unang halik bilang bagong kasal.
Dinayo pa ng LGU ang mga katutubong Batangan para matuloy ang civil wedding.
Tumayong ninong at ninang sa kasal ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Importante ang kasal na ito para sa mga katutubong Batangan dahil may panghahawakan na silang dokumento na magpapatunay na lehitimo na ang kanilang pagsasama.
Mas mapapadali rin ang pagkuha nila ng mga benepisyo ng gobyerno bilang mag-asawa dahil legal na ang kanilang pagsasama. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News