Nasawi ang isang-taong gulang na bata sa isang hostage-taking sa Nueva Ecija. 

Ayon sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV One North Central Luzon, biglang pinasok ng isang lalaki ang isang bahay sa Sitio Sagingan, Barangay Concepcion West, Zaragoza, Nueva Ecija nitong Biyernes, pasado alas siyete ng gabi.

Hinostage ng lalaking may kutsilyo si Prince Rillan Sunga, isang taong gulang, at ang kanyang walong-taong gulang na kapatid. Nakatakas ang kanilang ina at isa pang kapatid.

Inabot ng madaling araw kahapon ang negosasyon ng mga pulis sa hostage taker na si Julius Cesar Ton, hanggang ginilitan niya ang mga bata.

Nang pumalahaw ang mga bata, napilitan na raw ang mga pulis na sumugod. Binaril at napatay nila ang suspek.

Si Prince, dead on arrival na sa ospital, sa mismong araw ng kanyang kaarawan. Ang kapatid na ginilitan din, nagpapagaling pa sa ospital.

Hindi makapaniwala ang tatay ng mga biktima.

"Masakit po sa damdamin talaga...paki-usap ko lang po, konting hustisya sa anak ko po," ani Rolando Sunga.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga awtoridad pero anila, ginawa raw nila ang lahat para sagipin ang mga biktima. — BM, GMA Integrated News