Hindi na nakapanumpa sa kaniyang posisyon ang isang bagong halal na punong barangay sa Pagadian City matapos siyang barilin ng riding in tandem sa labas ng kaniyang bahay.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima Rodolfo Dacul, 53-anyos, ng Barangay Lapidian.
Binaril si Dacul sa labas ng kaniyang bahay habang maglilipat sana ng parada ng kaniyang tricycle.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen noong Miyerkules ng gabi, isang araw bago ang panunumpa sa puwesto ng mga bagong halal na opisyal ng barangay sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran ang biktima. Ilang basyo din ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
“Sa ngayon, sa record natin, matatawag natin siyag suspected election-related incident kasi bagong elected official siya sa barangay na yon. But this report is still subject for validation. We want to assure the public that the incident is being handled with utmost seriousness,” ayon kay Police Regional Office-9 Spokesperson Lieutenant Colonel Helen Galvez.
Sa Sumisip, Basilan, nasawi ang provincial board member na si Nasser Asarul, matapos siyang barilin ni Basid Kari, nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa pulisya, nagmimiryenda si Asarul sa Barangay Basak nang lapitan ng suspek at nagkaroon sila ng alitan na nauwi sa pamamaril.
Napatay naman si Kari ng kasamahan ni Asarul. -- FRJ, GMA Integrated News