Sugatan ang isang 23-anyos na babae sa Narvacan, Ilocos Sur matapos na barilin umano ng dati nitong nobyo na nais makipagbalikan sa kaniya.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, iniulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyekules, na nagtungo umano ang suspek na si Edmon Cabalar, 31-anyos, ng Barangay Sucoc, sa bahay ng biktima para suyuin ang dalaga na makipagbalikan.

Pero dahil nasa impluwensiya umano ng alak ang suspek, hindi siya pinapasok sa bahay ng biktima.

Umalis umano ang suspek at nang bumalik, may dala na siyang baril at pinaputukan ang dalaga.

Una umanong binaril ng suspek ang ina ng biktima na masuwerteng hindi tinamaan.

Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek na pinaghahanap na ng mga awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News