Kinilala na umano ng kaanak ang chop-chop victim sa Iloilo na nakita ang putol-putol na bahagi ng mga katawan sa dalawang sako na itinapon sa magkaibang lugar.

Sa panayam ng Super Radio dzBB nitong Martes kay Police Major Shiela May Sangrines, PIO chief, Iloilo City Police, sinabi nito na mula sa iisang tao lang na lalaki ang mga natagpuan na parte ng katawan.

"'Yung nakitang body parts, positively na-identify ng family niya from San Miguel, Iloilo na 'yung kamay na nakita at katawan na walang kamay at ulo ay pagmamay-ari ng kanilang kaanak... iisang tao lang," anang opisyal.

Idinagdag niya na nasa early 30's ang edad ng biktima.

Unang nakita ang mga kamay ng biktima sa isang sako na itinapon sa La Paz dakong 6 am. Ilang oras ang lumipas, isa na namang sako ang nakita sa Jaro na naglalaman ng katawan na walang ulo.

"As of this time, hindi pa rin mahanap ang pugot na ulo," anang opisyal, na sinabing ito ang unang kaso nila ng chop-chop murder sa lungsod.

Sinabi ni Sangrines na hinihinala ng pamilya ng biktima na "crime of passion" ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.

Gayunman, lahat ng anggulo umano ay iniimbestigahan ng mga awtoridad dahil may nakuha rin na ilang sachet ng ilegal na droga sa loob ng underwear ng biktima.

May nakita ring mensahe nang matagpuan ang katawan ng biktima na nagbibigay ng balala sa mga sangkot umano sa ilegal na droga.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, kinilala ang biktima na Kristopher Cabalquinto, na huli umanong nakitang buhay noong November 2.

“Parang may scar siya na hindi naman malaki, pero makikita. Meron din [ang katawan]. Ang mga kuko niya sa paa at kamay, pareho talaga. Sa dami nilang pumunta [sa punerarya], walang may nagsabi na hindi siya,  siya talaga, 100% na siya,” ayon kay Felisa Cabalquinto, ina ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News