Pinili ng isang mag-asawa na may negosyong kainan sa Angeles, Pampanga na mamigay ng libreng pagkain sa mga nangangailangan hindi lamang tuwing Pasko kundi sa isang buong taon. Sino nga ba ang kanilang nagsisilbing inspirasyon?

Sa “Good News,” ipinakilala ang mag-asawang sina Tom at Dyan Aguas, na nagsimulang mamigay ng libreng pagkain matapos ang pandemya.

Ginagamit nila ang kanilang sobrang kita mula sa negosyong kainan para mga lutuing ipamimigay.

Sakay ang kanilang kotse, layon ng mag-asawa na bigyan ng packed meals noon ang mga walang tirahan na nakikita nila sa daan.

Nakuha ni Tom ang ideya mula sa kaniyang lolo Tomas, na namimigay sa kapwa tuwing Pasko.

“Si lolo po kasi, hindi pa kami nabubuhay, namimigay na po sila. Kung hindi po ako nagkakamali 1980s namimigay na si lolo ng bigas, tuwing December 24,” sabi ni Tom.

Kaya naman sina Tom at Dyan, hindi na lang tuwing Pasko kundi dalawang beses sa isang linggo kung magbigay ng mga libreng pagkain.

Si Tom ang namamalengke habang si Dyan ang nagluluto.

Ngayon, nag-iiwan din ang mag-asawa ng mga packed meal sa isang mesa sa labas ng kainan, kaya iba’t ibang mga tao ang nagdaraan.

Isa sa mga regular na kumukuha ang isang pay parking boy at isang tatay na mangangalakal.

“Hindi po sapat ang pera na kinikita ko, kaya po humihingi ako, kasi po kulang at nagugutom po kami,” sabi ng pay parking boy.

“Imbes na bibili ka ng bigas, may pagkain ka na. Kung kakain ka sa karinderya, P50 kulang pa ‘yan. Mabuti ‘yan, nakakatulong sa kagaya kong mahihirap,” sabi ng mangangalakal.

Dahil dito, nahiyakat ang pinsan ni Tom na si Abigail Genaskey na makiisa na rin sa pagbibigay ng libreng pagkain sa iba, at linggo-linggo nang nagdo-donate ng karne bilang pangdagdag sa inihahanda.

Kaya naman tunay na maligaya ang lolo ni Tom na si Lolo Tomas. Gayunman, may mga sintomas na ito ng dementia kaya madalas hindi na niya nauunawaan ang ginagawa ng apo.

Ayon kay Lolo Tomas, 1980s nang simulan niya ang pamimigay ng bigas at canned goods sa mga Pampangueño, kung saan madalas niyang bigyan ang mga ina.

“Lahat ng nanay, walang tatay. The reason why, is because some men have two wives, three wives. If the three come here I will give them rice,” sabi ni Lolo Tomas.

Layunin ni Lolo Tomas na umabot pa ng 100 taong gulang, para mas makapagbigay pa.

“Kung bibigyan ako ng milyon? That money I will give it also to people,” sabi niya.

Ngayon, ipinagpapatuloy nina Tom ang tradisyon ng pagbibigay na sinimulan ni Lolo Tomas. —VBL, GMA Integrated News