Sugatan ang isang babae na walong-taong-gulang matapos siyang sakmalin sa braso ng isang asong-gala sa Mangaldan, Pangasinan. Ang aso, namatay pagkaraan ng dalawang araw at nagpositibo sa rabies.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ikinuwento ng bata na itinago sa pangalang "Angel" na basta na lang siya hinabol at kinagat sa braso ng aso sa Barangay Malabago.

Iwinagwag umano niya ang kaniyang kamay para makakawala sa kagat ng aso.

Kaagad din siyang dinala sa ospital ng kaniyang mga kamag-anak para mapabakunahan ng anti-rabies.

Ayon sa municipal agriculture office, namatay ang aso pagkaraan ng dalawang araw matapos na kagatin ang bata.

Nang magsagawa ng pagsusuri sa labi ng aso, lumitaw na positibo ito sa rabies.

Bukod kay Angel, pinabakunahan din ng anti-rabbies ang kaniyang pamilya.

Nagsagawa rin ng massive vaccination kontra rabies sa barangay kung saan mahigit 300 aso at pusa ang mabakunahan.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, spokesperson, CHD-1, mahalaga na madala kaagad sa pinakamalapit na animal bite and treatment center ang taong makakagat ng hayop para maagapan ang rabies. -- FRJ, GMA Integrated News