Patay sa pamamaril ang isang babaeng online seller sa labas ng kaniyang bahay sa Laoag City, Ilocos Norte. Ang dalawang suspek, nagpanggap na mga kostumer at nakipag-usap muna sa ama ng biktima.
Sa ulat ni Gab de Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Josephine Rara, 43-anyos, ng Barangay 43 Cavit sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap na kostumer ang mga suspek at kinausap muna ang ama ni Rara para mapalabas ang biktima na nasa loob noon ng kanilang bahay.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek habang isinugod si Rara sa ospital pero binawian din ng buhay.
Tatlong basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang narekober ng mga imbestigador sa crime scene.
Mayroon na umanong tinitingnan na motibo ang mga awtoridad sa nangyaring krimen pero hindi muna nila ito inihayag habang patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon.-- FRJ, GMA Integrated News