Nasawi ang driver ng isang ambulansya nang maaksidente ito matapos makapaghatid ng pasyente sa Oriental Mindoro. Hinala ng pulisya, may kabilisan ang takbo ng sasakyan ng biktima dahil may pasyente pa itong susunduin muli.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," kinilala ang biktima na si Russel Adarlo, na mag-isa lang sa ambulansya nang mangyari ang insidente.
Sumalpok sa poste at concrete barrier, at saka tumilapon ang ambulansya sa bakanteng lote sa gilid ng kalsada sa Barangay Papandayan sa bayan ng Pinamalayan noong Linggo ng gabi.
Ayon sa pulisya, basa ang daan nang mangyari ang trahedya dahil sa pag-ulan. Madilim din umano sa lugar dahil walang kuryente nang sandaling ito.
Lumitaw na galing sa bayan ng Socorro ang ambulansya matapos maghatid ng pasyente. Hinihinala ng mga awtoridad na may kabilisan ang takbo ng sasakyan habang pabalik sa Bansud para sumundo ulit ng pasyente.-- FRJ, GMA Integrated News