Dinakip ang isang babae dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng government ID sa Mandaue City, Cebu. Ang suspek, nakunan ng 17 iba’t ibang mga pekeng ID.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing inaresto sa labas ng city hall ang babae sa operasyong ikinasa ng National Bureau of Investigation.
Kinilala ang suspek na si Gia Genelazo nang iabot niya sa nagpanggap na buyer ang pekeng non-professional driver’s license na kaniyang ibinenta sa presyong P1,500.
Bukod dito, nakuha rin sa kaniya ang iba’t ibang government ID gaya ng UMID, national ID, postal ID, BIR, TIN card at PhilHealth.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek, na tumangging magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News