Nasawi ang isang lalaki matapos palakulin sa likod ng ulo sa loob ng isang kapilya sa Apalit, Pampanga.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, sumasamba umano at nasa loob ng kapilya ang biktima nang bigla siyang palakulin ng suspek.

Naipuslit umano ng salarin sa loob ng kapilya ang palakol na inilagay sa isang sports bag.

Isinugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Naaresto naman ang suspek at nakuha sa kaniya ang palakol na ginamit sa krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen pero mahaharap sa reklamong homicide ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News