Magsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad sa Cagayan de Oro City matapos na may makitang foul play sa pagkamatay ng limang miyembro ng pamilya na natagpuang patay sa nasunog nilang bahay. Dalawa sa mga biktima, magkapatid na bata.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Melgene Galpo, 31-anyos; asawa niyang si Manilyn, 30; mga anak nila na edad pito at apat; at si Maggie Epanes, 25, kapatid ni Manilyn.
Nakita ang kanilang bangkay sa nasunog nilang bahay sa Sitio Sumpong sa Barangay Indahag, nitong Martes ng gabi.
Nagkaroon ng pagdududa ang mga awtoridad kung namatay sanhi ng sunog ang magkakamag-anak dahil sa nakitang ilang palantandaan malapit sa bahay ng mga biktima.
Kabilang dito ang buhok na nakapulupot sa halaman, bakas ng dugo, naiwang tsinelas, at bakas sa lupa na tila may hinila sa lugar.
Isinailalim din sa pagsusuri ang mga bangkay ng mga biktima.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na dumulog sa pulisya noong nakaraang buwan si Epanes matapos umanong mabiktima ng physical abuse o Republic Act 9262o ang the Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Ang ama nina Maggie at Manilyn, dumating sa Cagayan de Oro mula sa Camiguin. Ikinagulat niya ang nangyari at wala umano nalalaman na nakaaway ng kaniyang anak.
--FRJ, GMA Integrated News