Kritikal ang lagay ng isang lalaki matapos siyang kuyugin ng mga residente sa Zamboanga City. Ang lalaki, nagwala umano at basta na lang tinaga ang isang tindera .

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao na makikita sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Cabaluay.

Sa video, makikita ang isang lalaki na may dalang itak na naglalakad sa gilid ng kalsada. Ilang saglit pa, hinabol at pinalo na siya ng isang residente at sumugod na rin ang iba pang kalalakihan.

Napahiga sa kalsada ang lalaki habang patuloy ang pagkuyog sa kaniya ng mga tao. Inawat naman sila ng pulis at iba pang sibilyan.

Nang dalhin sa gilid ng kalsada, wala nang malay at duguan na ang lalaki na umano'y nagwala.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago nito, nag-amok ang lalaki at tinaga ang isang tindera.

Hindi agad natukoy ang dahilan ng pagwawala ng lalaki.

“Habang nagwawala siya naabutan niya ‘yung isang biktima natin dito banda sa may bakery na isang babae at tinaga niya ito. And ‘yung biktima natin, natamaan sa kaniyang left arm and left leg,” sabi ni Police Major Paul Andrew Cortes ng Zamboanga City Police.

Base sa imbestigasyon, nagmula sa Payao, Zamboanga Sibugay ang lalaki at ilang araw nang hinahanap ng kaniyang mga kaanak.

“Accordingly, inutusan lang nila ito. Ilang days na, hindi nakabalik. Hindi nila alam na nakarating na pala rito sa Zamboanga City. According to them also, na itong lalaki ay may problema sa pag-iisip,” sabi pa ni Cortes.

Kritikal ang lagay ng suspek dahil sa mga tinamong sugat sa katawan at ulo matapos kuyugin ng mga residente.

Nasa maayos na lagay na ang babaeng kaniyang tinaga.

Pinag-iisipan pa ng pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng reklamo laban sa lalaki. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News