Pumanaw na ang amateur boxer na na-comatose matapos ang kaniyang laban noong Setyembre sa Bansalan, Davao Del Sur. Lumitaw din na nagpositibo ang pasyente sa COVID-19.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nitong Lunes ng gabi pumanaw sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City si Anselmo Tagalog Jr.
BASAHIN: 18-anyos na boksingero, nawalan ng malay ilang oras matapos ang kaniyang laban
Na-comatose si Tagalog bunsod ng namuong dugo sa kaniyang ulo ilang oras matapos ang kaniyang laban noong Sept. 17 sa Bansalan.
Dalawang beses umanong isinailalim sa operasyon si Tagalog.
BASAHIN: Boksingero, comatose matapos maipanalo ang kaniyang laban sa Cavite
Nananawagan naman ang ina ni Tagalog sa lokal na pamahalaan ng Bansalan at sa nag-organisa ng boksing na tulungan sila sa mga gastusin sa opital at pagpapalibing sa anak.
"Ipapanawagan ko sana na makuha ko ang anak ko dito sa SPMC, na tanggalin nila na positive sa COVID kasi boxing naman ang dahilan ng pagka-comatose niya. Para mailibing namin nang maayos ang labi niya para hindi masakit. Kakayanin ko na lang, nag-iisang anak ko pa naman siya," ayon sa ginang. -- FRJ, GMA Integrated News