Nahuli-cam ang nangyaring banggaan ng isang pampasaherong jeepney at isang pick-up truck sa Basud, Camarines Norte noong Linggo.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Purok Yakal sa Barangay Poblacion 2  kung saan 19 katao ang nasaktan.

Ayon sa report ng mga awtoridad, nagmula sa Naga City ang pick-up truck na pumasok sa linya ng kasalubong na jeepney kaya nangyari ang banggaan.

Tumagilid pa ang pick-up truck at umusad ng ilang metro.

Sugatan ang driver ng pick-up, pati na ang apat niyang sakay. Nagtamo naman ng minor injuries ang 13 katao na sakay ng jeep, kasama ang tsuper.

Sa Bacacay, Albay, nasawi naman ang isang rider matapos maaksidente.

--FRJ, GMA Integrated News