Nagmistulang boxing ring ang kalsada sa harap ng isang paaralan matapos magsuntukan ang isang taxi driver at isang habal-habal rider nang dahil umano sa overtaking sa Lapu-Lapu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na mapapanood din sa Unang Balita nitong Martes, makikita ang video ng suntukan ng dalawang motorista sa Barangay Marigondon.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-counterflow umano ang habal-habal sa lane ng taxi kaya nasagi nito ang taxi.

Dito na nag-umpisa ang gulo, na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar.

Nagkaayos kalaunan ang dalawang motorista at hindi na nagpa-blotter.

Gayunman, inisyuhan sila ng citation tickets para sa reckless driving.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian Torres, spokesperson ng Lapu-Lapu City Police Office, maaari pa ring ipatawag ng LTO ang dalawang motorista at i-revoke ang kanilang mga lisensiya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News