Pinanood at kani-kaniyang video ang mga tao sa nangyaring suntukan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa Iloilo City.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Smallville complex sa Mandurriao.
Ayon sa pulisya, sa loob pa lang ng bar ay nagkakagirian na ang dalawang grupo kaya sila pinalabas.
"Pinalabas na sila para hindi maka-damage pa o maka-create ng disturbamce. Kaya lang dahil nakainom na, hindi na nila napigilan," ayon kay Police Captain Val Cambel, hepe ng Mandurriao Police Station.
Tinututukan naman ng Task Force on Morals and Values Formation ng Iloilo City ang insidente, at makikipag-ugnayan sila sa pamunuan ng bar dahil na rin sa binuong kasunduan ng mga establisimyento sa lokal na pamahalaan.
Ang naturang kasunduan ay ang memorandum of undertaking ang mga bar para tiyakin na gagawa sila ng hakbang para maiwasan ang gulo bago sila payagan muli na magbenta ng nakalalasing na inumin.
Sinubukan na makuhanan ng pahayag ang may-ari ng bar pero wala raw ito nang puntahan ng news team, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News