Isang matadero ang nasawi matapos siyang aksidenteng matusok ng kaniyang kutsilyo sa leeg nang biglang "mabuhay" ang kinakatay niyang baboy sa Cebu.

Sa ulat ng GTV News "Balita Ko" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Marcelito Lapeciros, residente ng Barangay Moabog sa bayan ng Pilar.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagkakatay ng baboy si Lapeciros, at nataranta nang biglang tumakbo ang baboy na inakala niyang patay na.

Pinigilan umano ng biktima ang baboy hanggang sa masagi ng lubid ang kutsilyo na tumusok sa kanilang leeg.

Isinugod ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.-- FRJ, GMA Integrated News