Nagtamo ng mga sugat ang isang 63-anyos na lalaki nang paghahampasin siya ng bakal ng kainuman na kaniyang nakaaway sa Lobo, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Antonio Magnaye mula sa Barangay Pinaghawanan.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-away ang dalawa noong sila’y nag-iinuman.

Hinuli ang suspek na si Ruel Delos Reyes sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Narekober ang bakal na ginamit sa paghampas sa biktima, samantalang hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News