Pinagsasaksak ng isang bilanggo ang kapuwa niya bilanggo sa Lapu-Lapu City Jail. Hinala ng mga awtoridad, selos ang ugat ng krimen dahil tinatawagan umano ng biktima ang live-in partner ng suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nagpapagaling sa ospital ang 32-anyos na biktima dahil sa tinamong mga saksak na nangyari noong Lunes ng umaga.
Sa imbestigasyon ng pamunuan ng bilangguan, lumitaw na improvised knife ang ginamit ng 27-anyos na suspek sa krimen.
Nangyari ang insidente nang magsasagawa na sana ng head count sa mga bilanggo.
Pinaniniwalaan na nagselos ang suspek dahil sa ginagawa umanong pagtawag ng biktima sa live-in partner ng una.
May kinakaharap na kasong robbery with homicide and carnapping ang suspek, habang may kasong rape ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pananaksak, at kasamang aalamin kung paano nagkaroon ng patalim ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News