Isiniwalat sa Senado ni Senadora Risa Hontiveros na mahigit 1,000 kabataan ang umano'y pinagsasamantalahan at sapilitang ipinapakasal ng isang "kulto" sa Socorro, Surigao del Norte. Ang grupo na pinamumunuan umano ng isang tinatawag na "Senior Agila," itinanggi ang mga paratang.
Sa kaniyang privilege speech nitong Lunes, inakusahan din ni Hontiveros na may koneksiyon sa ilegal na droga ang umano'y na Socorro Bayanihan Services, na pinamumunuan ng isang Jey Rence na tinatawag ding “Senior Agila.”
Ayon sa mambabatas, nasa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan ang kulto mula pa noong 2019. Ang mga kababaihan na kahit nasa edad 15 ay inaabuso umano at sapilitang ipinapakasal sa kanilang lider.
“A community of children in Socorro, Surigao del Norte is crying for help. These children are our children. Ang pinag-uusapan nating mga bata ay higit sa isang libong kabataan na nasa kamay ng isang mapanlinlang, malupit, at mapang-abusong kulto,” sabi ni Hontiveros sa kaniyang talumpati.
Batay sa impormasyon, sinabi ni Hontiveros na nagsimula ang Socorro Bayanihan Services na isang civic group na tumutulong sa mga lokal na mamamayan.
Pero nagbago raw ang lahat noong 2017 nang gawing lider ng grupo ang noo'y 17-anyos pa lang na si Jey Rence, na itinuring ng ilang miyembro na susunod na “Messiah” at “new Jesus.”
Ang dating Board Member na three-term Socorro Mayor na si Mamerto Galanida ang nagturo umano kay Jay Rence na magsalita sa harap ng publiko at kinalaunan ay idineklarang reincarnation ng Sto. Niño.
Hanggang sa nagpalit umano si Jey Rence sa kaniyang tawag bilang si “Senior Agila.”
Noong 2019, tumama ang malakas na lindol sa Soccoro at sinabihan umano ni Senior Aguila ang mga tao na sumanib sa kulto dahil ang "Kapihan" na kinaroroon nila sa bundok ang bagong langit. Ang mga hindi umano sasama ay mapupunta sa impiyerno.
Marami umano ang natakot at sumama na naging dahilan ng mass resignation ng mahigit 100 guro ng Department of Education at mahigit 50 government employees. Bumagsak din umano ang mga kabataang nag-aaral.
“Ayon sa isang nakapanayam ng aking staff na dating elementary school teacher, sabi daw ni Senior Agila, wala daw government employee ang pupunta sa langit,” ayon kay Hontiveros.
“Kung may mga utang daw kami, huwag daw kami mag-alala, dahil buburahin daw ni Senior Agila ang aming mga utang. Hawak ko po ang salaysay nitong dating Deped teacher na ito,” dagdag ng senador.
Sinabi umano ng isang 12-anyos na testigo na may armas ang kulto, at nakita niya na nasa mga sako ang mga ito noong panahon ng kampanya.
Ayon pa kay Hontiveros, ginagawang pondo rin umano ng kulto ang government financial assistance mula sa mga miyembro na benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), may senior citizen pensions, at may Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
May koneksyon din umano sa ilegal na droga ang kulto, sabi pa ni Hontiveros.
“In fact po, kung tama ang sources, ang motibasyon kung bakit tinayo ang kulto na ito ay para maging human shield dahil nailagay sa narco-list ang pasimuno ng organization na ito na si Karren Sanico at ang kanyang dating business partner na yumaong Municipal Circuit Court Judge, na pinaslang diumano dahil sa kanyang pagkasangkot sa droga noong 2019,” anang mambabatas.
“Si Mamerto Galanida ay naihamig di umano nila Sanico at naging bahagi din ng masterminds ng grupo,” patuloy niya.
Nakatakas na mga bata
Noong Hulyo, walong kabataan umano ang nakatakas mula sa kulto at humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan.
Bumuo umano si Mayor Riza Timcang ng task force para magsiyasat tungkol sa kulto, pero naghain umano sa korte ang grupo at magulang ng mga bata ng writ of habeas corpus writ para mabawi ang mga ito.
Ayon kay Hontiveros, isa sa mga bata ang ibinalik sa Kapihan.
“We need to save those children. It is our duty not just as senators, but also as parents, as human beings, to save children in most need of our help,” aniya.
“We managed to raise the age of sexual consent, we passed the law penalizing child marriage, we strengthened protections against child trafficking. Now, real children are in danger. And time is of the essence. We cannot, we must not look away,” dagdag pa ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na kamakailan lang ay nagpunta pa sa Senado si Senior Agila matapos manalo sa international event sa South Korea ang performing group na Omega de Salonera.
“Si Senior Aguila mismo – ang rapist ng mga bata, ang facilitator ng child marriage – ay nakatapak pa sa ating Senado at nagpa-picture pa sa atin na mga Senador. Alam ko, hindi natin ito alam, mga colleagues. Dahil lagi naman may nagpapa-picture sa atin,” saad niya.
Socorro Bayanihan, itinanggi ang mga bintang
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, itinanggi ni Socorro Bayanihan Services ang mga paratang laban sa kanila.
“Fabricated lies 'yan kaya nga we are filing... a case for Kidnapping and Serious Illegal Detention. Na sa piskalya na 'yan kasi sila yung kumidnap sa mga bata... At sinulsulan pa nila. Naggawa pa ng mga affidavit parang fabricated,” ayon kay Galanida, Vice President of the Socorro Bayanihan Services.
Itinanggi rin ng miyembro nito na si Ralna Diane dela Peña, na may mga armas sila at may koneksyon sa ilegal na droga.
"Pumunta na po dito 'yung mga pulis, they conducted their investigation sa province, our region. Negative po kasi wala po kami talaga ditong drugs,” giit ni dela Peña.
"At even may mga lumalabas na po na armas, intelligence reports from the CID sa ibang ahensya ng pulis even from our governor even confirmed na wala po ditong armas wala din pong drugs,” patuloy niya. — FRJ, GMA Integrated News