Duguan na dinala sa ospital ang isang lalaking mangingisda sa Iligan City habang nakatusok sa kaniyang noo ang nguso ng isang "balo" o needle fish.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng nakaraang Martes.
Pangingisda sa pamamagitan ng pagsisid at paggamit ng pana ang ikinabubuhay umano ng biktimang si John Paul Diguelo.
Nang mangyari ang insidente, kasama umano ni Diguelo ang dalawa pa niyang kapatid nang manisid sila ng isda.
Pero nakarinig ng sigaw ang isa sa magkapatid at nang ilawan nito si Diguelo, nakitang may balo na nakatusok sa kaniyang noo at dumudugo.
Natakot ang mga kapatid ni Diguelo na baka bumaon hanggang sa bungo niya ang naturang nguso ng balo kaya dinala nila ang biktima sa ospital na nakatusok pa rin ang nguso ng isda.
Sa kabutihang-palad, kahit bumaon ng mahigit isang pulgada ang nguso ng isda, hindi naman ito bumaon sa kaniyang bungo.
Gayunman, kinailangan hiwain ang balat sa kaniyang noo at tahiin para maalis ang nguso ng balo.
Napag-alaman naman na hindi iyon ang unang pagkakataon na inatake ng balo si Diguelo, at may iba pang insidente ng pagtusok ng balo ang nangyari na rin sa ibang mangingisda. --FRJ, GMA Integrated News