Bumuhos ang matinding emosyon sa libing ng magkasintahang nasawi sa aksidente sa motorsiklo sa Sta. Maria, Pangasinan. Kasabay ng paghatid sa kanila sa huling hantungan ang pagdaraos ng seremonya para sa kanilang "kasal."

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing mag-a-apat na taon nang magkasintahan sina  Bernard De Mesa Jr., 22-anyos, at Michaella Parel, 20-anyos.

Nasawi ang dalawa noong July 30, sa araw mismo ng kaarawan ni Bernand, nang sumemplang umano ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Barangay Pilar.

Batid umano ng mga pamilya nina Bernard at Michaella ang pagmamahalan ng dalawa kaya hindi sila nagdalawang-isip na tuparin ang pangarap ng mga ito na ikasal--kahit sa huling hantungan.

Ayon kay Janice na ina ni Bernard, laging magkasama ang magkasintahan hindi naghihiwalay maging sa pamamasyal.

Pero ipaliwanag ng isang pari na hindi kinikilala ng simbahan ang kasal sa mga yumao.

"Ang kasal ay hindi para sa patay kundi para sa buhay. Ang kasal kasi need ng consent ng bawat isa kasi tatanungin sila", paliwanag ni Rev. Fr. Bayani Flores, ng St. Joseph The Worker Parish, Sigay, Ilocos Sur.

Samantala, sa kabila ng pagdududa ng pamilya na may foul play sa nangyari sa magkasintahan, iginiit ng pulisya na self-accident ang nangyari sa dalawa.

"Ang isang cause kasi nito, medyo madulas yung kalsada. Át that time ito yung 'Egay' na bagyo," ayon kay PCPT. Landro Velasquez, hepe ng Sta Maria Police Station. --FRJ, GMA Integrated News