Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng kaniyang kapitbahay dahil umano sa utang sa Molo, Iloilo City.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Cebu, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Armando Samson, na dead on the spot matapos magtamo ng pitong tama ng baril sa katawan.

Nangyari ang pamamaril sa Barangay Boulevard, dahil sa utang umano ng biktima sa suspek na kinilalang si Nonoy Catalan.

Lumabas sa imbestigasyon ng Molo Police na nagtalo ang suspek at ang biktima nang magkasingilan sa utang na P1,000.

Ayon sa hepe ng Molo Police Station, may mga alegasyon na tinangka umanong saksakin ng biktima ang suspek ngunit nasagi ito ng suspek gamit ang kaniyang bike.

Umuwi ang suspek para kumuha ng baril, saka kinompronta ang biktima. Dito na narinig ang mga putok ng baril.

Ngunit sinabi ng mga kaanak ng biktima na laging nanunutok ng baril ang suspek sa mga may utang sa kaniya.

Ayon sa barangay, wala silang natatanggap na pormal na reklamo tungkol dito.

Patuloy ang pagtugis sa suspek, na tumakas matapos ang insidente. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News