Patay na at may nakapalupot na bra sa leeg nang makita sa bakanteng lote ang katawan ng isang 17-anyos na babae na unang iniulat na nawawala sa Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Martes, kinilala ang biktima na si Anna Jean Dela Cruz, 17-anyos, residente ng Barangay Lutay sa bayan ng Tayasan.

Suspek sa krimen ang amain ng biktima na si Mitchiel Diego, na umamin umano sa krimen.

Ayon kay Police Major Christopher Castro, hepe sa Valencia Police, unang iniulat na nawawala si Dela Cruz noong Hunyo 22, Sabado.

Dakong 1:30 pm nitong Linggo, nakita ang bangkay ng biktima sa masukal na lugar sa Barangay Caidiocan sa lungsod ng Valencia.

Bagaman inamin umano ng suspek ang pagpatay sa biktima, itinanggi niya na ginahasa niya ang dalagita dahil pareho umanong kagustuhan ang nangyari.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA Integrated News