Patay ang isang mag-asawa, habang dalawa pa ang sugatan nang masalpok ng isang ambulansiya ang sinasakyan nilang motorsiklo sa San Andres. Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Felix at Thelma Duaso.
Sugatan naman ang rider ng motorsiklo na si Ferdie Duaso, at isa pang bata na anim na taong gulang.
Ayon sa pulisya, patawid sana sa intersection ang motorsiklo sa Barangay Camflora nang masalpok ng ambulansya na walang sakay na pasyente at magpapa-vulcanize umano.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo habang nahulog naman sa kanal ang ambulansiya.
"Tatawid po sana sa kabila [ang motorsiklo] para kumaliwa kasi po papunta sila bayan. Ito naman pong si ambulansiya dire-diretso papunta nga po sa barangay Camplora," ayon kay PMSG Ireneo Luza, imbestigador ng San Andres Police Station.
Napag-alaman na tanging ang rider lang ng motorsiklo ang may suot na helmet.
Kaya paalala ng mga awtoridad, bawal ang sobrang sakay sa motorsiklo at ugaling magsuot ng helmet.
"Isa pa rin yung license ng driver dapat valid yung license, hindi yung student. Kasi yung student dapat mayroong kasamang professional driver," sabi ni Luza.
Nasa kostudiya ngayon ng pulisya ang driver ng ambulansiya.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga nakaligtas na biktima o ang kanilang pamilya, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News