Inanunsyo ng Liberal Party (LP) ang ilan sa mga pangunahin nilang kandidato sa Eleksyon 2025, kabilang si dating bise presidente Leni Robredo na aasintahin ang puwesto bilang alkalde ng Naga City, na dating hawak ng kaniyang namayapang mister na si Jesse Robredo.
Inanunsyo ito ni dating Quezon Representative Erin Tañada sa ginanap na national assembly ng LP sa San Juan City nitong Biyernes.
Dahil sa anunsyo, natuldukan na ang palaisipan kung anong posisyon ang aasintahin ni Robredo sa Eleksyon 2025 dahil na rin sa mga mungkahi na tumakbo siyang senador.
Dating mayor ng Naga ang namayapang mister ni Robredo na si Jesse, bago nahirang ang huli na kalihim ng Department of Interior and Local Government noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy"Aquino III.
Pumanaw si Jesse noong 2012 nang bumagsak ang sinasakyan niyang eroplano sa Masbate bay.
Kasabay na inanunsyo ng LP ang kandidatura ng kanilang chairman na si dating senador Francis “Kiko” Pangilinan para muling bumalik sa Senado sa Eleksyon 2025.
Magiging pangunahing nominee naman ng LP sa kanilang sectoral wing na Mamamayang Liberal (ML) partylist group si dating senador Leila de Lima.
Ikalawa at ikatlong nominee naman sa kanilang partylist group sina dating congressman Teddy Baguilat at Tañada.
Maaaring makakuha ng hanggang tatlong upuan ang isang partylist group na mauupo bilang kongresista depende sa dami ng makukuhang boto.
“Naging mahapdi ang ating pagkatalo nu’ng 2022, pero 'di tayo sumuko patuloy tayong nag-organisa,” ayon kay Tañada. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News