Makakasama ng mga re-electionist Senators Bong Go at Ronald "Bato" dela Rosa sa pagtakbong senador sa Eleksyon 2025, ang aktor na si Philip Salvador, sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Sa ginanap na national assembly ng partido sa Davao City nitong Biyernes ng gabi, tinanggap ng tatlo ang kanilang nominasyon bilang mga pambato ng partido sa senatorial race.
Sa naturang pagtitipon, itinalaga rin ng PDP Laban si Senator Robin Padilla, presidente ng partido, bilang campaign manager ng kanilang senatorial candidates.
Pinirmahan din ng partido ang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Partido Reporma, Hugpong ng Pagbabago, Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan(PDDS), at Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD NECC) para sa Eleksyon 2025.
Ayon kay PDP-Laban Vice Chairman Alfonso Cusi, ang kasunduan ay magbibigay ng karapatan sa PDP-Laban na tumanggap ng nominasyon ng iba pang posibleng maging kandidato mula sa ibang partido hanggang sa October 8, ang panahon ng paghahain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections.
Inaprubahan din ng partido ang resolusyon para imbitahan sina Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte na maging miyembro nila.
Umanib na si Mayor Duterte sa PDP-Laban at itinalagang executive vice president ng partido.
Kabilang sa mga dumalo sa national assembly sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Cusi, Padilla, Go, Dela Rosa, Mayor Duterte, Cebu City Mayor Michael Rama na PDP-Laban Vice President Michael Rama, at iba pa.
Nitong Biyernes din, inanunsyo ng Lakas-CMD ang re-election bid ni Senador Bong Revilla para sa Eleksyon 2025.
Sa panig ng Liberal Party, inanunsyo na muling tatakbong senador si Kiko Pangilinan.
Bukod kina Padilla at Revilla, galing din sa showbiz sina Sen. Jinggoy Estrada at Lito Lapid.
Re-electionist din sa Eleksyon 2025 si Lapid, na inaasahan muling tatakbong senador sa ilalim ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), kasama ang mula rin sa showbiz na si dating Senate President Tito Sotto. --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News