Kinabiliban ang isang pulis na isa ring registered nurse matapos niyang maisalba ang isang walong buwang sanggol na nahihirapang huminga dahil sa epigastric pain sa San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, kinilala ang pulis na si Police Corporal Gilbert Galano Jr.

Sinabi ng ina ng bata na si Melody Montuya na nakaranas ng hirap sa paghinga ang kaniyang anak at nag-iba na rin ang kulay nito kaya pumunta na sila sa bayan, ngunit walang driver ang ambulansya.

Dahil dito, lumapit ang kaniyang kasamahan sa police station.

Tiyempo namang naka-duty ang registered nurse ring si Galano kaya hindi ito nagdalawang-isip na lapatan ang sanggol ng paunang lunas.

Pagkaayos ng kondisyon ng bata, dinala na siya sa ospital.

“Medyo nakatingala na po ang bata, doon po siya naghagod ng hininga. Narinig ko na po, ‘Nanay, medyo okay na po ito.’ Tapos sunod naman po noon, dumating na po ‘yung ambulansya,” sabi ni Galano.

Nagpasalamat si Montuya sa kabutihang loob ni Galano. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News