Nasawi ang isang 19-anyos na nagsisimula pa lamang na maging tattoo artist matapos makuryente sa improvised tattoo machine na kaniyang ginamit sa Mati City, Davao Oriental.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Angelo Zafra, na kasama ang kaniyang mga kaibigan nang mangyari ang trahediya noong nakaraang linggo.

Naisugod pa umano ang biktima sa ospital pero idineklara siya ng duktor na dead on arrival.

Paalala ng mga awtorirdad, huwag nagbaka-sakali sa electronics dahil may kaakibat itong peligro.

“Huwag lang tayong mag-improvise. Kung ano ang standard na machine at wirings diyan, i-konsulta talaga natin sa experts,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ernesto Gregorio, Chief of Police, Mati City Police Station.

Ayon sa ama ng biktima na si Adrian, pangarap ni Angelo na makatapos ng pag-aaral upang matulungan sila at ang kaniyang nakababatang kapatid na makatapos din ng pag-aral.

Dahil may mga instructional videos ng do-it-yourself tattoo machine sa internet, may mga nais na maging tattoo artist na sinusubukan ito.

Pero paalala ng tattoo artist na si Dorel Paul Chan, ipasuri pa rin ang mga electronics expert kung gagawa ng homemade machine para masiguro ang kaligtasa at kung tama ba ang mga wiring.

Ikinalungkot ng Philippine Tattoo Artist Guild ang disgrasya na sinapit ni Zafra, na posible umanong naiwasan kung nagabayan lamang siya.

“May mga moderno naman na ang tattoo machines ngayon. May mga wireless na rin po tayo ngayon. Pero huwag niyong praktisin na gumawa ng sarili niyo tulad nu’ng araw,” sabi ni Maru Plata, Public Relations Officer ng Philippine Tattoo Artist Guild Inc.

Bukod sa tattoo machine, dapat din umanong tiyakin isang tattoo artist na ligtas at malinis ang lahat ng gamit gaya ng pag-sterilizer, at dapat na single use lang mga karayom.

Para kay Mata, panahon na rin umano na i-professionalize ang kanilang artistic occupation. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News