Sinampahan na ng reklamo ang dalawang suspek sa pananakit at pagtusok sa mga mata ng isang dentista sa loob ng kaniyang klinika sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Decamay Padilla ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB, sinabing naisampa na ng Cebu City Police Office ang kasong serious physical injury at grave threat laban sa dalawang salarin na tumusok sa mga mata ng dentistang si Dr. Charles Sia, 41-anyos.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pilare, tagapagsalita ni Police Regional Office 7 Director Brigadier General Anthony Aberin, kilala ng biktima ang mga suspek dahil dati na silang nagkaroon ng transaksyon.
Hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang mga suspek habang patuloy ang pagtugis sa kanila.
Base sa naunang imbestigasyon ng pulisya, nakapasok sa clinic ang dalawang suspek matapos na magpanggap na delivery rider nitong Miyerkoles ng hapon.
Nang makapasok na, pinosasan ng mga suspek ang dentista, pati ang kaniyang sekretarya at dalawang pasyente.
Bukod sa pagtusok sa mata, pinukpok din ng mga salarin sa ulo ang biktima.
Naglabas ng direktiba si Aberin na lutasin sa lalong madaling panahon ang kaso upang mabigyan ng hustisya sa doktor at hindi na mangyari pang muli ang insidente.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulong personal grudge at may kinalaman sa negosyo ng biktima ang pananakit.
Ligtas na sa kasalukuyan ang doktor, na naka-confine sa isang ospital sa Mandaue City, habang patuloy na inaalam ang pinsala ng kaniyang mga mata. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News