Nag-alok ng pabuyang P100,000 ang lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro para sa makapagtuturo sa pumatay sa isang architecture student.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes mula sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, natagpuang patay si Eden Joy Villacete sa loob ng inuupahang apartment noong Biyernes ng umaga.
Kuwento ng ama ng biktima, kinutuban sila nang hindi nila makontak ang anak. Nang puntahan nila ang apartment, doon nila nakita ang sinapit nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, anim na saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang tinamo ni Villacete. Wala rin itong damit nang makita.
"Malaki ang probability na na-rape 'yung biktima," ani Police Lieutenant Colonel Michael Donald Carnoso, hepe ng San Jose Police Station.
Ayon sa ulat, walang CCTV sa lugar. —KBK, GMA Integrated News